Saturday, July 26, 2008

Ang Kabataang Pilipino sa Bagong Milenyo (Filipino Blog)

Ang Kabataang Pilipino sa Bagong Milenyo
Ni Rolando Aldaca-Bernales



Kami’y Kabataan.
Nakalagak sa aming gunita ang larawan ng mga tuwang naantala.
Nakapinta sa aming mukha ang ligalig sa naiwang mga dampa.
Nakadikit sa aming puso’t diwa ang mga himig at wawit na nagluluksa.

Kami ang mga dalagang refleksyon ng kahapong may hinagpi.
Kami ang mga binatang salamin ng nagdaang sakdal amis.
Kami ang Pilipinong kaytagal nang tumatangis.
Kami ang henerasyong iniluwal sa hapis.

Kami ang kabataan,
Kami ang alingawngaw ng mga punlong humihiyaw.
Kami ang huling habilin sa talim ng balaraw.
Kami ang saksi, kasama ang tag-ulan at tag-araw.
Sa maghapo’y magdamag, walang humpay na pamamanglaw.

Kabataan kami.
Kamiy inyong pakinggan!
Kami’y bulong usal, tinig, tinay, sigaw.
Kami ang katagang ang pantig ay pagtutol.
Kami ang taludturang ang tugmaan ay pag-ungol.
Kami ang tanda ng mga nagdaang sumpa…
Nag pagkakaalipin.…
Ng digmaan….
Ng karahasan….
Ng kalamidad….

Kailan lang iyon… iyon ang panahong gumapos nang buong higpit
Sa liwanag, araw at sa bituing maririkit.
Iyon ang panahong ang araw ay maramot sa pagsikat.
At ang pulahang mga bulaklak ay nagsipanago.
Sa suluk-sulok ng mga gubat at bundok ng matatandang mga pangarap.
Iyon ang panahong ang katarunga’y nawagit na sa hinagap!

Ngunit ah…salamat…at nagbukag-liwayway.
Sumilay ang silahis ng bagong araw…ang bagong milenyo…
Ang bagong simula ng bagong Pilipino.